V-DAY: Dear J.M.
7:00 PM
Dear J.M.,
Sa totoo lang, nung una tayong nagkakilala, kinakabahan ako nun. Yung kaibigan ko lang yung nagpakilala sa akin sa’yo. Ang dami nga nyang nakwento sa’kin tungkol sayo kaya feeling ko tuloy kilala na kita kahit hindi pa kita kinakausap at nakikita.
Pero nung nagkakilala tayo, kinabahan parin ako. Ano susuotin ko? Paano ako gagalaw sa harap mo? At... Paano kung hindi mo ko magustuhan?
Nung una tayong nagkakilala, ang tahimik mo. Parang nahihiya. Ako naman, sa sobrang nerbyos ko, ang daldal ko tuloy. Mas madaldal pa kaysa sa normal.
Pero siguro nagustuhan mo yun kasi napapangiti na rin kita. Sinasagot mo na nga yung mga tanong ko kahit na parang nahihiya ka parin.
Natuwa ako kasi sa susunod na linggo, kinita mo uli ako. At sa susunod. At sa susunod. Doon nagsimula relasyon natin. Nagkikita tayo isang araw sa isang linggo, at paunti-unti, nagkkwento ka na rin sa akin.
Nawawala pagod ko sa trabaho dahil sa’yo. Lalo na ‘pag nakikita ko ngiti mo? O kaya kapag kinekwentuhan mo ako ng araw mo? Ibang klase ‘yung saya ko.
Syempre may mga araw na nag-aaway tayo. Sisigawan mo ‘ko, sisigawan din kita. Minsan nga nagkakasakitan pa tayo e. Hindi pa nawawala yung pasa sa braso ko.
Sana rin hindi kita nasaktan nung hinawakan ko nang mahigpit braso mo noong pinigilan kitang lumabas ng kwarto kasi ayaw mo nang makipag-away.
Minsan hindi na lang kita pinapatulan. Minsan tatahimik na lang ako habang nagdadabog ka at uuwi sa bahay at iiyak. Alam mo ba yun, J.M.?
Pero okay lang. Parte naman yun ng isang relationship, diba? Sa susunod na linggo, nagkakabati naman tayo. Babalik sa usapan at kulitan. Minsan nga nagkakakilitian pa tayo at pinagtatawanan ‘yung mga tampuhan.
Tanong nga ng mga kaibigan ko, kaya mo pa ba? Lagi kong sagot, kakayanin. Kasi ganun naman yun, diba? Pag mahal mo ang isang tao. Gagawin mo lahat.
Tsaka alam mo ba? Kinita ko nung isang araw ‘yung kaibigan ko na nagpakilala sa ating dalawa. Alam mo ba sabi niya sakin? Sabi niya ngayon ka lang niya nakitang ganito kasaya. Ngumingiti ka na ngayon at mas madaldal ka na.
Lumakas loob ko.
Kasi, J.M., kahit minsan sinisigawan at sinasaktan mo ako , at hindi mo ako pinapakinggan...
‘Pag nakikita ko ngiti mo at naririnig ko boses mong sinasabi ang pangalan ko, kahit gaano man kabihira yon, worth it lahat e.
Hindi ako titigil, J.M. Pangako ko yan. Kahit anong pagod man ang daanan ko?
Hindi kita susukuan.
Love,
Teacher
0 comments